Pumunta sa nilalaman

Wikang Ingles

Mula sa Wikipedia, ang malayang ensiklopedya
Ingles
Inggles
English
Bigkas /ˈɪŋɡlʃ/
Katutubo saAng mundong Anglopono, kabilang na ang Reyno Unido, Estados Unidos, Kanada, Australia, Irlanda, Nueva Selanda, Karibeng Komonwelt, Timog Aprika at iba pa
Katutubo
L1: 380 milyon (2021)[1]
Pamilya
Ninuno
Mga dayalekto (talaan)
Pagsulat
Kinodigong anyoManually coded English (iba-iba)
Opisyal na katayuan
Opisyal na wika
Mga kodigong pangwika
ISO 639-1en
ISO 639-2eng
ISO 639-3eng
Glottologstan1293
Linguasphere52-ABA
  Mga rehiyon kung saan katutubong wika ng mayorya ang wikang Ingles
  Mga rehiyon kung saan opisyal o malawakang ginagamit ang wikang Ingles, pero hindi isang katutubong wika ng mayorya
Naglalaman ang artikulong ito ng mga simbolong ponetiko mula sa IPA. Maaari po kayong makakita ng tandang pananong, kahon, o iba pang mga simbolo imbes ng mga karakter ng Unicode kung hindi suportado ang pagpapakita sa mga ito sa kasalukuyan niyong font. Para sa panimulang gabay sa mga simbolong IPA, tingnan ang Help:IPA sa Wikipediang Ingles.

Inglés,[a] binabaybay ding Ingglés, ang kanlurang wikang Hermaniko na nagmula sa Inglatera at ang pandaigdigang lingua franca sa kasalukuyan. Nagmula ang pangalan ng wika mula sa mga Anglo, isa sa mga sinaunang grupong Hermaniko na lumipat sa Britanya sa pagtatapos ng panahong Romano sa naturang lugar. Ingles ang pinakaginagamit na wika sa mundo, dahil na rin sa matinding impluwensiya ng Imperyong Britaniko noon (na pinalitan ng Komonwelt ng mga Bansa sa kasalukuyan) gayundin ng Estados Unidos sa kasalukuyan. Ito rin ang may pinakamaraming gumagamit bilang pangalawang wika, mas marami pa kesa sa mga katutubong mananalita nito. Gayunpaman, ikatlo lamang ang Ingles sa may pinakamaraming katutubong mananalita, pagkatapos ng wikang Mandarin at Espanyol.

Ingles ang opisyal o isa sa mga opisyal na wika ng 57 bansa at 30 dependensiya, ang pinakamarami para sa kahit anong wika. Sa mga bansang tulad ng Estados Unidos, Reyno Unido, Australia, at Nueva Selanda, ito ang pinakaginagamit na wika dahil na rin sa kasaysayan bagamat hindi ito isang opisyal na wika. Isa rin ito sa mga opisyal na wika ng Mga Nagkakaisang Bansa, Unyong Europeo, at iba pang mga pandaigdigan at panrehiyong organisasyon. Ito rin ang de facto na wika ng diplomasya, agham at teknolohiya, pandaigdigang kalakalan, turismo, libangan, at ng internet. Ayon sa isang pagtataya ng Ethnologue noong 2021, meron itong 1.4 na bilyong mananalita.

Nagmula ang Lumang Ingles mula sa mga dayalekto ng mga kanlurang wikang Hermaniko na sinasalita ng mga Anglo-Saxon. Nakasulat sa mga rune (futhorc) ang wika bago ito gumamit ng isang alpabetong nagmula sa wikang Latin. Hiniram kalaunan ng Lumang Ingles ang ilang balarila at pangunahing bokabularyo mula sa Lumang Nordiko, isang hilagang wikang Hermaniko. Nalinang nang husto ang alpabeto at tuluyang pinalitan nito ang paggamit sa mga rune, kasabay ng pag-usbong ng Gitnang Ingles matapos masakop ng mga Normando ang Inglatera simula noong 1066. Sa panahong ito matinding nanghiram ng mga salita ang Ingles mula sa wikang Pranses, na ngayo'y bumubuo ng 28% ng lahat ng mga salita sa wika sa kasalukuyan, gayundin sa wikang Latin, na bumubuo sa karagdagang 28%. Bagamat pawang nagmula sa Latin at iba pang mga wikang Romanse ang malaking bahagdan ng bokabularyo ng Ingles, nananatili pa ring Hermaniko ang pang-araw-araw na bokabularyo, balarila at ponolohiya nito. Umusbong naman ang Modernong Ingles matapos ng isang malawakang pagbabago sa mga patinig nito. Ilan sa mga malapit na kamag-anak ng kasalukuyang anyo ng wika ang wikang Scots, na nasa isang kontinuo ng mga dayalekto sa Ingles, gayundin ang mga wikang Prisyano at Mababang Aleman.

Klasipikasyon

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Bahagi ng pamilyang Indo-Europeo ang wikang Ingles, partikular na sa Kanlurang Hermanikong sangay ng mga Hermanikong wika.[3] Dahil pare-parehong nagmula ang Ingles at ng ibang mga wikang Hermaniko kagaya ng mga wikang Olandes at Aleman sa iisang ninuno na tinatawag na Proto-Hermaniko, nagtataglay ang mga ito ng mga magkakatulad na tampok kagaya ng paghahati sa mga pandiwa bilang malakas o mahinang klase, ang paggamit sa mga pandiwang modal, at pagsasailalim sa serye ng pagbabago sa pagbigkas sa mga katinig ng Proto-Indo-Europeo na kilala ngayon bilang mga batas Grimm at Verner.[4]

Isa ang Lumang Ingles sa napakaraming mga wikang Ingaeboniko na umusbong sa isang kontinuo ng mga dayalektong sinasalita ng mga Kanlurang Hermaniko simula noong ikalimang siglo sa Prisya, partikular na sa baybayin ng Dagat Hilaga. Umusbong ang Lumang Ingles mula sa mga mananalita ng mga wikang ito na lumisan sa lugar at nanirahan sa kapuluang Britaniko.[5] Kalaunan, umusbong ang Gitnang Ingles, na sinundan naman ng Modernong Ingles.[6] May ilang mga dayalekto ng Luma at Gitnang Ingles na hiwalay na nalinang at naging mga wikang Angliko, lalo na ang wikang Scots.[7]

Dahil nakahiwalay ang wikang Ingles mula sa ibang mga wikang Hermaniko sa kontinente, nalinang ang sarili nitong bokabularyo, sintaksis, at ponolohiya. Hindi naiintindihan ang Ingles ng mga mananalita ng kahit anong wikang Hermaniko, bagamat may iilang wika katulad ng wikang Olandes at Prisyano na may malaki-laking antas ng kaugnayan.[8] Tradisyonal na iniuugnay ang Ingles sa Prisyano, na madalas na ipinagpapalagay na pinakamalapit na kamag-anak ng Ingles sa mga wikang Hermaniko. Gayunpaman, ipinapakita ng modernong pananaliksik sa dalawang wika na kaunti lamang ang pagkakapareho nito sa Ingles.[9] Bagamat parehong sumailalim ang dalawa sa magkaparehong serye ng pagbabago sa tunog, hindi ito naganap nang sabay upang masabing may matindi silang kaugnayan sa isa't-isa.[10][11]

Proto-Hermaniko patungong Lumang Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Manuskritong nakasulat sa panulatang unsiyal ng epikong tula na Beowulf sa Lumang Ingles, isinulat noong bandang taong 975 hanggang 1025.
Nagsimula ang tula sa: Hƿæt ƿē Gārde / na ingēar dagum þēod cyninga / þrym ge frunon ...[Pakinggan! Ating narinig ang kadakilaan ng nagdaang panahon ng mga katutubong hari ng mga Gār-Dene [isang maalamat na tribo ng mga Danes] ...]

Lumang Ingles, o Anglo-Sahon, ang pinakaunang anyo ng wikang Ingles na ginamit mula bandang taong 450 hanggang 1150. Nagmula ito sa mga dayalekto ng mga kanlurang wikang Hermaniko, minsang tinutukoy bilang mga wikang Anglo-Prisyano o di kaya'y mga wikang Hermaniko ng Dagat Hilaga, na sinasalita sa rehiyon ng Prisya, Mababang Sahonya, at katimugang Jutland (sakop ngayon ng Dinamarka at Alemanya) ng mga Hermanikong kilala sa kasaysayan bilang mga Anglo, Sahon, at Yuto.[12] Simula noong ikalimang siglo, tumira ang mga Anglo-Sahon sa Britanya matapos itong lisanin ng mga Romano. Pagsapit ng ikapitong siglo, Lumang Ingles na ang pangunahing wikang sinasalita sa lugar at pinalitan ang mga wikang Karaniwang Britoniko at Britanikong Latin na sinalita noong panahon ng mga Romano.[13][14][15] Ang wika gayundin sa lugar ng Inglatera ay parehong pinangalan mula sa mga Anglo.[16]

Nahahati ang Lumang Ingles sa dalawang dayalektong Angliko (Mersiyano at Nortumbriyo) at dalawang dayalektong Sahon (Kentiko at Kanlurang Sahon).[17] Dahil sa impluwensiya ng kaharian ng Wessex at ang reporma sa edukasyon noong panahon ni haring Alfredo noong ikasiyam na siglo, Kanlurang Sahon ang siyang naging pamantayan sa pagsusulat sa Lumang Ingles.[18] Nakasulat ang epikong tula na Beowulf sa Kanlurang Sahon, habang nakasulat naman sa Nortumbriyo ang pinakalumang tula sa wikang Ingles na Himno ni Caedmon.[19] Gayunpaman, nalinang ang Modernong Ingles mula sa dayalektong Mersiyano habang nalinang naman ang wikang Scots mula sa Nortumbriyo. Isinulat ang ilang mga pinakamaagang tala ng Lumang Ingles gamit ng alpabetong runiko,[20] bagamat ginamit kalaunan ang alpabetong Latin pagsapit ng ikapitong siglo; gumamit ito ng mga kalahating unsiyal na titik at may kasama ring mga runikong titik na wynnƿ⟩, thornþ⟩, at mga binagong titik Latin na ethð⟩ at ashæ⟩.[20][21]

Malaki ang pagkakaiba ng Lumang Ingles sa modernong anyo ng wika. Hindi ito mauunawaan ng isang mananalita ng Ingles sa ika-21 siglo nang walang pagsasanay. Halos kapareho ang balarila nito sa balarila ng wikang Aleman: maraming mga impleksiyon sa dulo ng salita at anyo ang mga pangngalan, pang-uri, panghalip, at pandiwa, at mas malaya ang ayos ng salita nito kesa sa modernong anyo nito. May mga anyo ang Modernong Ingles para sa kaukulan (grammatical case) ng panghalip (halimbawa [panlalaki] 'siya': he, him, his) at may iilan din para naman sa mga pandiwa (halimbawa 'magsalita': speak, speaks, speaking, spoke, spoken), pero sa Lumang Ingles, meron ding mga kaukulan para sa mga pangngalan at may mga dagdag na impleksiyon din ang mga pandiwa para sa katauhan at kailanan.[22][23][24]

Impluwensiya ng Lumang Nordiko

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Sa pagitan ng ikawalo hanggang ika-11 siglo, sumailalim ang Ingles na sinasalita sa ilang mga rehiyon sa impluwensiya ng Lumang Nordiko, na isang Hilagang wikang Hermaniko. Dahil sa sunod-sunod na pagkolonisa ng mga Nordiko sa ilang bahagi ng Britanya noong panahong ito, nakakasalamuha ng mga mananalita ng Lumang Ingles sa mga mananalita ng Lumang Nordiko. Pinakamatindi ang interaksyon sa dalawang wika sa mga barayti ng wikang sinasalita sa hilagang-silangan na sakop noon ng Danelaw sa rehiyon ng York. Sa kasalukuyan, pinakamakikita ang impluwensiyang ito sa wikang Scots at sa Hilagang Ingles. Nakasentro ang impluwensiya ng mga Nordiko sa Lindsey sa Midlands. Matapos mapasailalim ang Lindsey sa kapangyarihan ng mga Anglo-Sahon noong taong 920, mabilis na kumalat ang Ingles sa naturang rehiyon. Sa modernong Ingles, ang impluwensiya ng mga Nordiko ay makikita sa panghalip sa ikatlong katauhan na nagsisimula sa th- ('sila', 'nila', 'kanila': they, them, their), na siyang pumalit sa mga orihinal na panghalip ng Anglo-Sahon na nagsisimula naman sa h- (hie, him, hera).[25] Makikita rin ito sa mga hiram na salita na pumalit sa mga katutubong Lumang Ingles kagaya ng give ('magbigay'), get ('kumuha'), sky ('langit'), skirt ('palda'), at egg ('itlog'). Mauunawaan ang Lumang Nordiko nang maayos-ayos ng mga mananalita ng ilang mga dayalekto ng Lumang Ingles, lalo na sa may hilaga.[26]

Gitnang Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]

Englischmen þeyz hy hadde fram þe bygynnyng þre manner speche, Souþeron, Northeron, and Myddel speche in þe myddel of þe lond, ... Noþeles by comyxstion and mellyng, furst wiþ Danes, and afterward wiþ Normans, in menye þe contray longage ys asperyed, and som vseþ strange wlaffyng, chyteryng, harryng, and garryng grisbytting.

[Bagamat sa simula pa lamang, may tatlong paraan na ang mga Ingles sa pagsasalita, yaong nasa Katimugan, nasa Hilaga, at nasa Midlands sa gitna ng bansa, ... Gayunpaman, dahil sa pakikihalubilo at paghahalo, umusbong ang wika ng bansa mula sa mga ito, habang may iilan na gumagamit pa rin ng kakaibang pag-uutal, daldalan, ungol, at nakakarinding ngitngitan.]

Juan ng Trevisa, c. 1385[27]

Karaniwang pinepetsahan ang pagsisimula ng Gitnang Ingles sa pananakop ng mga Normando sa Britanya mula noong 1066. Sa mga sumunod na siglo pagkatapos, sumailalim ang Ingles sa matinding impluwensiya ng anyo ng Lumang Pranses na sinasalita ng mga Normando na nanirahan sa Inglatera at naging bago nitong namumunong uri; kilala ito ngayon bilang Lumang Normando. Sa paglipas ng mga dekada, pawang mga naging bihasa sa dalawang wika ang parehong gitna at nakatataas na uri ng lipunan, mapa-Ingles man o Normando. Pagsapit ng 1150, bihira na lang sa panahong ito ang mga miyembro ng aristokrasya na marunong lamang ng Pranses. Kalaunan, nalinang ang wikang Pranses na ginagamit ng mga Normando bilang wikang Anglo-Normando. Matuturo rin ang paghihiwalay ng Luma sa Gitnang Ingles sa kapanahunan ng paggawa sa komposisyong Orculum ng Agustinong kanon na si Orrm noong ika-12 siglo, na nagtatampok sa paghahalo ng mga elemento ng Lumang Ingles at Anglo-Normando sa kauna-unahang pagkakataon.

Samantala, nanatili pa ring marunong lamang sa Ingles ang mababang uri, na kumakatawan sa napakalaking bahagdan ng populasyon. Sa panahong ito, maraming hiram na salita ang ginamit nila na may kinalaman sa politika, batas, at iba pang mga prestihiyosong gawain. Halimbawa, nagmula sa Pranses na trône ang salitang Ingles na throne, na tumutukoy sa pisikal na inuupuan ng isang hari gayundin sa metaporikal na kapangyarihan nito. Naging simple rin sa panahong ito ang mga impleksiyon ng Ingles, maaaring dahil sa paghahalo ng Lumang Nordiko at Lumang Ingles, na pawang parehas sa morpolohiya ngunit magkaiba ng impleksiyon. Nawala rin ang pagkakaiba ng kaukulang palagyo (nominatibo) at palayon (akusatibo) maliban sa mga panghalip panao, nawala rin ang kaukulang pagamit (instrumental), at naging para lamang sa pag-aari ang kaukulang paari (henetibo). Naging regular din ang maraming mga di-regular na anyo ng impleksiyon, at naging payak rin ang sistema ng kasunduan sa mga pangungusap, na humantong sa isang hindi gaanong malayang ayos ng salita.

Ilan sa mga sikat na panitikang naisulat sa Gitnang Ingles ang Mga Kuwento sa Canterbury (c. 1400) ni Geoffrey Chaucer at Ang Kamatayan ni Arturo (1485) ni Thomas Malory. Naging talamak sa panahong ito ang paggamit sa panitikan ng dayalekto ng mga rehiyon, kagaya sa mga gawa ni Chaucer. Mababasa sa unang salin sa Ingles ni John Wycliffe sa Bibliya noong 1382 ang Mateo 8:20 bilang: "Foxis han dennes, and briddis of heuene han nestis" ('May mga lungga ang mga soro, at may mga pugad ang mga ibon sa langit'). Mapapansin rito na may hulaping -n pa rin sa pandiwang have ('magkaroon') pero wala na sa mga pangngalan.

Maagang Makabagong Ingles

[baguhin | baguhin ang wikitext]
Maliwanag na paglalarawan ng Dakilang Pagbabago ng Patinig, na nagpapakita kung paano ang unti-unting pagbabago ng mga patinig, kung saan naging diptonggo ang mga mataas na patinig i: at u: at nagbago ang pagbigkas ng bawat mababang patinig nang isang antas

Ang susunod na panahon sa kasaysayan ng Ingles ay Maagang Makabagong Ingles (1500–1700). Kakikitaan ang Maagang Makabagong Ingles ng Dakilang Pagbabago ng Patinig (1350–1700), pagpapayak ng sabaylo, at lingguwistikong sapamantayan.

Inapekto ng Dakilang Pagbabago ng Patinig ang mga diniin na mahabang patinig ng Gitnang Ingles. Ito ay naging kawingang pagbabago, at ibig sabihi'y nag-udyok ang bawat pagbabago ng kasunod na pagbabago sa sistema ng patinig. Itinaas ang mga gitna at bukas na patinig, at binali ang mga saradong patinig para maging diptonggo. Halimbawa ang salitang bite ("kagat") ay dating binibigkas parang ang salitang beet ("rimulatsa") ngayon, at ang ikalawang patinig sa salitang about ("tungkol") ay binigkas tulad ng salitang boot ("bota") ngayon. Ipinapaliwanag ng Dakilang Pagbabago ng Patinig ang maraming iregularidad sa pagbaybay dahil pinanatili ng Ingles ang mararaming baybay mula sa Gitnang Ingles, at ipinapaliwanag din nito kung bakit napakaiba ang pagbigkas ng mga patinig sa Ingles kumpara sa mga parehas na titik sa mga ibang wika.[28][29]

Nagsimulang tumaas sa prestihiyo ng Ingles, kaugnay sa Normandong Pranses, noong paghahari ni Enrique V. Noong mga 1430, nagsimulang gumamit ang Korte ng Kansilyerya sa Westminster ng Ingles sa kanyang opisyal na dokumento, at ang isang bagong anyo ng Gitnang Ingles, kilala bilang Pamantayang Kansilyeriya, ay nilinang mula sa mga diyalekto ng Londres at Silangang Midlands. Noong 1476, ipinakilala ni William Caxton ang palimbagan sa Inglatera at nagsimulang maglathala ng mga unang nalimbag na aklat sa Londres, na nagpalago ng impluwensya ng ganitong anyo ng Ingles.[30] Kabilang sa mga panitikan sa Maagang Makabagong panahon ang mga gawa ni William Shakespeare at ang salinwika ng Bibliya na inatasan ni Haring Jacobo I. Kahit matapos ang pagbabago ng patinig, magkaiba pa rin ang wika mula sa Makabagong Ingles: halimbawa, binigkas pa rin ang mga kumpol-katinig /kn ɡn sw/ sa knight ("kabalyero"), gnat ("niknik"), at sword ("espada"). Kumakatawan sa mga natatanging katangian ng Maagang Makabagong Ingles ang karamihan ng mga tampok-bararila na maaaring ipalagay ng makabagong mambabasa ng Shakespeare bilang kakatwa o makaluma.[31]

Sa 1611 King James Version ng Bibliya, na nakasulat sa Maagang Makabagong Ingles, sinasabi ng Matthew 8:20 ang:

The Foxes haue holes and the birds of the ayre haue nests[32]

Ipinapakita nito ang pagkawala ng kaukulan at ang kanyang epekto sa pag-aayos ng pangungusap (pagpapalit sa Paksa-Pandiwa-Layon na pag-ayos ng salita), at ang paggamit ng of sa halip ng di-paukol na paari), at ang pagpapakilala ng salitang hiram mula sa Pranses (ayre) at salitang kapalit (pinalit ng bird "ibon" na dating nangahulugang "inakay" had ang OE fugol).[32]

  1. Ingles: English /ˈɪŋɡlʃ/
  1. "What are the top 200 most spoken languages?" [Ano-ano ang 200 pinaka-sinasalitang wika?]. Ethnologue (sa wikang Ingles). 2023. Inarkibo mula sa orihinal noong 18 Hunyo 2023.
  2. Eberhard, David M.; Simons, Gary F.; Fennig, Charles D., mga pat. (2023). Ethnologue: Languages of the World [Ethnologue: Mga Wika ng Mundo] (sa wikang Ingles) (ika-26 (na) labas). Dallas, Estados Unidos: SIL International.
  3. Bammesberger 1992, pp. 29–30.
  4. König & van der Auwera 1994.
  5. Bazelmans 2009, pp. 325–326.
  6. Robinson 1992.
  7. Romaine 1982, pp. 56–65.
  8. Harbert 2006.
    • Bazelmans 2009, p. 326, "According to most researchers, this means that there cannot have been an 'original' Anglo-Frisian entity ..."
    • Stiles 2018, p. 31, "... It is not possible to construct the exclusive common relative chronology that is necessary in order to be able to establish a node on a family tree. The term and concept of 'Anglo-Frisian' should be banished to the historiography of the subject."
  9. Versloot 2017, pp. 341–342.
  10. Stiles 2018, pp. 5–6.
  11. Baugh, Albert (1951). A History of the English Language [Kasaysayan ng Wikang Ingles] (sa wikang Ingles). London: Routledge & Kegan Paul. pp. 60–83, 110–130.
  12. Collingwood & Myres 1936.
  13. Graddol, Leith & Swann et al. 2007.
  14. Blench & Spriggs 1999.
  15. Bosworth & Toller 1921.
  16. Campbell 1959, p. 4.
  17. Toon 1992, Chapter: Old English Dialects.
  18. Donoghue 2008.
  19. 20.0 20.1 Gneuss 2013, p. 23.
  20. Hogg & Denison 2006a, pp. 30–31.
  21. Hogg 1992a.
  22. Smith 2009.
  23. Trask 2010.
  24. Thomason & Kaufman 1988, pp. 284–290.
  25. Kastovsky 1992, pp. 320, 332.
  26. Hogg 2006, pp. 360–361.
  27. Lass 2000.
  28. Görlach 1991, pp. 66–70.
  29. Nevalainen & Tieken-Boon van Ostade 2006, pp. 274–79.
  30. Cercignani 1981.
  31. 32.0 32.1 Lass 2006, pp. 46–47.
[baguhin | baguhin ang wikitext]